Ang #KilikiliNiIna at Ang Putok ng Pinoy

Noong nakaraang linggo, naging headlines ng malalaking tv network sa kanilang online news and pagtaas ng kilikili ng isang artista. Ang pangalan nya ay Ina.

Si Ina Raymundo ay nakilala bilang commercial model noong ako ay bata pa. Ang tawag sa kanya ay “Sabado Nights.”  Commercial yun ng alak kung saan sya ay naglalakad papalapit ng papalapit habang tumutugtug ang “Sabado nights, sabado nights..” Tapos sasabihin nya sa huling parte ng patalastas ang mga katagang “Tatagal ka ba?” Wrong. Si Amanda Page yun.

Anyway, hindi naman ito tungkol sa patalastas ni Ina. Bagkus, ito ay tungkol sa kanyang #kilikili o #kili-kili. LOL.  Kung bakit may hashtag ang #kilikili ito ay dahil nagsimula ang lahat sa kanyang Instagram selfie.

May dalawang  followers kasi ang nakapansin na hindi ka-kinisan o ka-putian ang #kilikili ni Ina. Dahil dito naging malaking national issue and #kilikiling ito sa banal na linggo ng Mahal na Araw.  Pumutok na sa news, pumutok pa sa mga opinyon, kabilang na ang opinyon ko, at higit sa lahat, pumutok ang followers ni Ina. Ina ng tokwa, tayong mga pinoy talaga o!

Sa totoo lang, madami tayong matututunan sa #kilikili ni Ina.  Kung seseryosohin natin ang issue. Kabilang dito ang mga sumusunod na aral:

1.  Maging responsible netizens.  Huwag basta-basta magkokomento sa mga Instagram profiles ng mga artista.  Tandaan. nakikitsismis ka lang sa buhay nila.

2.  Kapag nagkomento ka ng di kagandahan, siguraduhin mong may ipagmamalaki ka.  Dahil katulad ng follower ni Ina, hinamon nya ang mga ito na magpakita ng kanilang mga #kilikili. Sa halip na tumugon  ay walang tigil na humingi ng paumanhin ang pobreng follower.  Mabuti na lang at ‘di ako nag-comment, mahirap kaya ang hamon na iyon.  Di kasi maputi ang kilikili ko. Ikaw kaya ang hamuning  magtaas ng  #kilikiling  banal.

3.  Mag-research.  Kapag nakita mo ang maitim na singit ng artista o kung sinumang tao, alamin ang dahilan dahil may pinagdadaanan pala ang mga ito.  Tulad na lang ng #kilikili ni Ina. Kapag nalaman  na ang dahilan, irespeto natin ang kaitimang ito.

4.  Wag mag-taas ng #kilikili sa banal na araw.  Dahil lahat ay naka-bakasyon kaya may time na makita ito at magbigay ng opinyon.

5.   Ayos lang na maitim ang #kilikili, basta walang amoy.

6. Aanhin ang maputing #kilikili kung walang umaamoy?

7.   Ang #kilikili ay mahalagang isyu sa bawat Pilipino.  Mahirap sa atin ang makakita ng maitim o maguhit na kilikili.  Ang masagwa pa nito, may iba na pilit nang tinatago sa pag-halukipkip ang kanilang kilikili ay gumagawa pa ng paraan ang iba na masilip ito at…mapintasan.

8.   Tanggapin ng maluwag sa isip, sa puso at sa salita na ang #kilikili ng Pilipina ay sadyang di kaputian.  Ito ay dahil sa kulay nating kayumangging kaligatan.  May ibang pilit na kinukuskos ang #kilikili kaya’t mas maputi ito sa kulay ng katawan. Nagmumukha tuloy na may an-an sila sa dako pa roon.

9.   Mahirap paputiin ang #kilikili ngunit madali naman itong pabanguhin.  Tawas lang, solb na!  Kaya kung may maka-tabi kang pasahero sa jeep na todo-taas ng umaalingasaw na #kilikili tanungin mo kung tumutugon sya sa hamon ni Ina.  At paki-remind na din na ang hamon ay pagtaas lamang ng #kilikili at hindi pasiklaban ng amoy.

10.  Si Ina ang Pambansang #kilikili ng bayan. Palakpakan! Saedad na 36 at may limang anak tunay na hahanga ka sa kanyang katawan! Kung di lang ba sa mga pakialamerang nilalang na #kilikili pa ang nakita.

Ang tanong ngayon ay ito: “Bakit nga ba napaka-negatibo nating mga Pilipino?”  Sa tuwing may magandang nangyayari o may tanawing kanais-nais, nakakakita pa rin tayo ng mali o pangit? Wala itong pinag-iba sa maputing #kilikili na umaalingasaw naman sa amoy.  Ito ang putok ng pinoy, ang panlalait sa kapwa. Mabaho ang putok ng pinoy.  Masakit sa pang-amoy.  Mas nanaisin mo na ang masakit sa paningin, hindi ba?

Ang kilikili ni Ina.  Bow.

Ang kilikiling pinoy…putok pa more!